Hot Breaking News for Filipinos

Pagpapauwi sa wala: Duterte nililinis ang pagkakalat ni Cayetano sa Kuwait

629

Ni: Roy Mabasa

Ang “Solomonic Decision” na ibinabalandra ni Haring Duts ay isang drama upang kurutin ang mga mahabaging puso at mga iyaking kagaya ko, at higit sa lahat ay pagtakpan ang sumablay na sana ay ‘clandestine rescue operation’ na hindi lang isina-pelikuka ng mga tanga kundi ikinalat pa sa buong mundo.

Itong rescue operation ay may basbas daw ni Cayetano at isinailalim sa pangangasiwa ng tanggapan ni Sarah Lou Arriola, undersecretary for migrant workers affairs ng DFA (ayon na rin sa mga media updates na ipinamahagi ng ikatlong tagapagsalita ng DFA). Si Arriola, na isang abugado pero di naman daw talaga diplomat, ay malapit na kasamahan at bitbit ni Cayetano nang ang huli ay mahirang bilang kalihim.

Noong Abril 19, ilang araw bago magtapos ang deadline na iginawad ng Kuwait, si Arriola, kasama si Asst. Secretary Elmer Cato (andoon din ang pamosong “instructor” na naging PCOO Asst. Sec. na si Mocha Uson at itong party list kongresman na huwag na natin banggitin ang pangalan), ay lumipad patungong Kuwait upang umano’y pangunahan ang ‘repatriation’ ng daan-daang iligal na Pilipino.

Noon ding araw na yaon naganap ang di dapat maganap nang ipamahagi ni Asst. Sec. Cato sa mga miyembro ng media ang video footages ng kontrobersyal na rescue operations na isinagawa ng mga tauhan ng DFA, Embahada at OWWA. Ilan sa mga opisyal ng ating pamahalaan na pumunta sa Kuwait upang lumahok sa rescue at pag-alalay sa repatriation ay walang pormal na pakikipag-uganayan sa pamahalaan ng Kuwait kaya’t lumalabas na ang mga ito ay lumabag din sa batas at patakaran ng host country.

Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga inarestong indibidwal na kapwa may taglay na opisyal at regular na pasaporte. Ito ang mga indibidwal na umano’y lumahok sa mala-pelikulang rescue ops. Mayroon pang nais arestuhin ang otoridad ng Kuwait subalit ang mga ito at nagkakanlong umano sa loob ng Embahada.

Ginagawa natin ang paglilinaw upang pabulaanan at itama ang “spin” na inilalako ng isang tulisang PR sa mga “suki” niya sa media na ang sisi ay ipulapol sa umano’y SocMed na siyang nag-upload ng video.

Nag-sorry na si Cayetano, dapat doon pa lang ay tumahimik na ang mga mala-puwet na bunganga at ayusin na lamang ang gusot na ginawa nila sa pamamagitan ng “back-channeling.” Ang siste ay nagsalita na naman itong si Cayetano at humihirit sa publiko at media (na naman) na bigyan sila ng “diplomatic space.” Nang tanungin ang kalihim kung anong ibig niya ipakahulugan sa katagang diplomatic space, magalang naman sumagot ng isang kilometro ang kalihim na nauwi rin sa inip at walang kahulugan.

Para sa kabatiran ng marami, umuusok po ang usap-usapan sa loob ng dati’y pinagpipitaganan na DFA patungkol sa kahiya-hiyang yugto na ito sa diplomasiya ng Pilipinas. Ilan sa kanila ay nagpupuyos sa galit na may halong inis ngunit takot naman magsilabas at baka nga naman mapag-initan. Ang ilan naman ay nakakakita ng oportunidad upang makapag-sipsip.

Ganyan na yata ang kalakaran sa mundong ibabaw. Yan po ang ilan sa mga tunay na kaganapan sa buhay ni puwet.. este ni matet… hehehe! Maligayang Linggo! #HaringSolomon #HeWhoSpokeTooSoon